Kamakailan lang, may binaril sa may labasan ng isang subdivision. Isang lalakeng nasa kotse. Patay. At nagkukumahog ang pamahalaan na ito ay imbestigahan.
Mga ilang buwan lang, may hukom na pinaratangang kumunista o sumisimpatiya sa kumunista. Red tagging ang tawag nila. Nagakaisa ang komunidad pangligal sa pagtanggol dito lalo na at pinangunahan ito ng Korte Suprema na nagbanta pa ng parusa sa ganoong gawain na pagsuway sa korte.
May mga abogado na iniuugnay sa mga makakaliwang grupo na ang iba ay pinagbabaril. Patay. Umalma ang mga abogado, gumawa ng grupo na magiimbestiga dito.
Ang mga mamamahayag na kritikal sa gobyerno ay idinadawit din sa kumunistang grupo. Marami na ang binarily at napatay. NNagtayo din ng task force para mag-ibestiga at umusig sa mga may gawa nito.
May mga aktibista na nagsusulong ng progresibong ideya at nagsisiwalat ng tunay na kalagayan ng masa. Kumunista daw sila, nararapat na patayin, arestuhin o ikulong, may warrant man o wala. Buti na lang may mga hukom pa na alam na korte ang pinapasukan nila hindi pagawaan ng search warrant.
May mga lalake, mahirap, walang trabaho. Drug pusher o user daw sila. Natutulog, kumakain o nakatambay sa kanilang bahay ngunit bigla na lang humahandusay. Patay.
… Di makapagsampa ng reklamo ang kanilang mga naulila sa kanilang pagpatay dahil sa takot na ito ay maging mitsa ng pagkitil sa kanilang buhay. Dumulog sa Korte Suprema para humingi ng proteksyon laban sa mga pulis na gumawa ng pagpatay. Limang taon na ang lumipas, wala pa rin ang ang Amparong proteksyon, ano pa kaya ang desisyon?
Red tagging, may mabilis na aksyon – dahil ba sila’y hukom, abogado, mamamahayag o nagsusulong ng kanilang panglipunang adhikain?
Tokhang, patay pa rin hanggang ngayon – dahil ba sila’y mahirap, walang trabaho, pabigat sa pamayanan o walang halagang tao?
Minsan ng nasabi, “Ang tao, higit sa lahat!”. Paano kung ang pagtuturing sa tao ay sinusukat sa halaga nito? Mabuti pa siguro ang katagang “Ang tae, higit sa lahat!” Dahil ano man ang antas mo sa buhay, pare-pareho ang amoy. Sana parehas din ang turing.
Atty. Roger R. Rayel